NGAYONG ang lahat ay apektado ng pandemya, naging lalong napakahalaga at makabuluhan sa buhay ang teknolohiya. Hindi napuputol ang mga sistema ng komunikasyon dahil sa internet, social media, computer, mobile phone, at iba pang gadget. Patuloy na nakakapag-aral ang mga estudyante kahit nasa bahay lamang sila; hindi nauudlot ang trabaho ng maraming empleyado dahil sa ipinatutupad na work from home; nagpapatuloy ang mga negosyo at kalakalan kahit merong mga limitasyon; naisasagawa ang mga kumperensiya, seminar, pulong, palakasan, at iba pang mga okasyon. Kahit nga mga beauty contest at sports competition ay hindi napipigilan. Patuloy ang ugnayan ng mga bansa sa buong mundo dahil na rin sa tulong ng mga makabagong teknolohiya. Nakakapagpatuloy ang mga transaksyon sa mga opisina ng gobyerno at ng sa mga pribadong tanggapan nang hindi na kailangang personal na magtungo sa mga ito dahil humahalili rito ang mga online transaction. At dahil nga nakakapagpatuloy ang operasyon ng negosyo, nagkakaroon pa rin ng oportunidad na makahanap ng ibang trabaho ang mga manggagawang naunang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Sarado ang mga paaralan at hindi makapag-aral ang mga estudyante. Nakahinto ang mga regular na aktibidad at ibang mga okasyong dapat sanang isinasagawa nang masaya sa panahong iyon. Mga panahon pa naman iyon na lubhang matagal bago makalikha ng epektibong bakuna laban sa pandemya. Karaniwang inaabot ng lima, 10 o 20 taon bago maimbento ang isang epektibong bakuna. Pero, dahil marahil sa pagsulong ng makabagong siyensiya, medisina at teknolohiya, nagawa ng mga eksperto at ibang mga dalubhasa na makalikha ng bakuna sa mas mabilis pero epektibong paraan o sistema. Isipin na lang na mahigit isang taon pa lang ang nagdaan mula nang magsimulang maminsala ang COVID-19 pero naglabasan na ang iba’t ibang klase ng bakuna na sinasabing makakatulong para magkaroon ng herd immunity at masugpo ang pagkalat ng virus.