Parish and National Shrine of St. Padre Pio Live Mass Begins HEALING MASS (I) August 26, 2025 MARTES sa IKA-21 Linggo sa KARANIWANG PANAHON Twenty-first Week || Healing Tuesday Mass BANAL NA MISA UNANG PAGBASA 1 Tesalonica 2, 1-8 Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica Kayo na rin, mga kapatid, ang nakababatid na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam ninyong hinamak kami’t inalipusta sa Filipos. Gayunma’y pinalakas ng Diyos ang aming loob upang ipahayag sa inyo ang Mabuting Balita sa kabila ng maraming hadlang. Ang pangangaral nami’y hindi udyok ng kamalian, ng kahalayan o ng hangad na manlinlang. Minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Mabuting Balita kaya nangangaral kami upang bigyang kasiyahan, hindi ang tao, kundi ang Diyos na nakasisiyasat ng ating puso. Alam ng Diyos at alam din ninyo na sa aming pangangaral ay hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri o ng mga salitang nagkukubli ng masakim na hangarin. Hindi kami naghangad ng papuri o ng mga salitang nagkukubli ng masakim na hangarin. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman, bagamat may katwiran kaming maghintay niyon bilang mga apostol ni Kristo. Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, itinalaga namin ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng Mabuting Balita. Hindi lamang iyan, pati ang aming buhay ay ihahandog namin, kung kakailanganin. Lubusan na kayong napamahal sa amin. Ang Salita ng Diyos. SALMONG TUGUNAN Salmo 138, 1-3. 4-6 Ako’y iyong siniyasat, kilala mo akong ganap. Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman. Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid, kahit ikaw ay malaya, batid mo ang aking isip. Ako’y iyong nakikita, gumagagawa o hindi man, ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman. Ako’y iyong siniyasat, kilala mo akong ganap. Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi’y alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim. Ika’y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras, ang likas ong kalakasan ang sa aki’y nag-iingat. Nagtataka ang sarili’t alam mo ang aking buhay, di ko kayang unawain iyang iyong karunungan. Ako’y iyong siniyasat, kilala mo akong ganap. ALELUYA Hebreo 4, 12 Aleluya! Aleluya! Buhay ang salita ng D’yos, ganap nitong natatalos tanang ating niloloob. Aleluya! Aleluya! MABUTING BALITA Mateo 23, 23-26 Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ibinibigay ninyo ang ikapu ng gulaying walang halaga ngunit kinaliligtaan ninyong isagawa ang lalong mahahalagang aral sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Tamang gawin ninyo ang mga ito, ngunit huwag naman ninyo kaliligtaang gawin ang iba. Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik sa inyong inumin, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo! “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan ngunit ang loob nito’y puno ng mga nahuthot ninyo dahil sa kasakiman at pagsasamantala. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang mga nasa loob ng tasa at ng pinggan, at magiging malinis din ang labas nito!” Ang Mabuting Balita ng Panginoon. #onlinemass #livestreammass #padrepiomass #FilipinoLiveMass Roman Catholic Archdiocese of Lipa (RCAL) Parish and National Shrine of Saint Padre Pio - Batangas